Monday, August 30, 2010

Stevens Johnson Syndrome

Ni sa panaginip hindi ko inakalang magkakaroon ako ng ganitong karamdaman. Hanggang sa ngayon ay isa pa ring multo itong gumugulo sa aking isipan. Puno ng pag-sisisi at nawa's maging aral sa ating lahat ang sinapit ko noong Marso taon kasalukuyan (2010).

Biktima ba ako ng doktor na walang malasakit sa mga health card members? Kung minsan naiisip kong maaaring totoo ito. Bakit nga gugugulin ng isang specialista ang mahabang oras ng consultation sa isang health card member gayon mas higit pa ang kikitain niya kung ang susunod na pasyente ay hindi gumagamit ng health card? Napag-alaman ko na kapag ang consultation fee ng isang specialist ay 500 pesos, ang ibinabayad lamang ng health card company ay mas mababa sa dahilang mas dadami naman ang kanyang pasyente, hindi ba?

Nagpa-kunsulta ako sa Chinese General Hospital clinic ng aking health card noong Febrero, 2010. Bagong lipat lang ako sa hospital na ito kung kaya't hindi ko pa kabisado ang mga pamamaraan. Ang sabi ng secretarya sa akin dapat munang makausap ang kanilang doktor. Nais ko sanang mag-kunsulta sa isang specialista tungkol sa nararamdaman kong pangangalay ng aking kaliwang braso hanggang sa dulo ng aking mga daliri. Gayun pa man, inantay ko ang sinasabi niyang doktor yaong araw na iyon. Dapat raw ay alas diyes ng umaga hanggang alas dos ng hapon ang clinic hours ng doktor na yun ngunit ala-una raw karaniwan ito dumadating dahil may iba pa siyang clinic sa ibang hospital. Alas 9 pa lamang ng umaga ay naroroon na ako para ako ang nasa unang listahan, subalit may mga mas nauna pa pala sa akin. Naisip ko na marahil ay mahusay siyang doktor. Dumating siya ng pasado ala una kung kaya't hindi ko napigilan na itanong sa sekretarya kung magagamot ba niya lahat ng nakapila sa listahan dahil malapit na ang alas dos. Sigurado naman daw tatapusin niya kaming tingnan.

Napuna ko na hindi ako binigyan ng sekretarya ng Form para i-fill up kung kaya tinawag ko din ang kanyang pansin. Hindi na raw kailangan. Inisip ko ulit na mahusay siguro talaga ang doktor at moderno na ata. he he he.

Nang makausap niya ako, dala-dala ko ang medical files ko na inaasahan kong kanyang rerevisahin, subalit hindi na raw kailangan. Ipagagawan raw niya ako ng laboratory request para malaman kung anong dahilan ng aking pangingimay.

Bumalik ako na dala na ang aking resulta. Kaagad niya akong binigyan ng gamot para sa mataas kong uric acid at para sa aking mataas na cholesterol. Isang tableta tuwing pagkatapos ng almusal. Napansin kong kaiba siya sa mga doktor na aking nakakapanayam noong mga nagdaan. Ayaw niya ng maraming tanong-tanong. Naramdaman kong ibig niya's lumabas na ako ng kwarto dahil marami pa siyang pasyente. Gets nio ba ang ibig kong sabihin?

Hindi nagtagal, nilagnat ako ng on and off sa bahay. Nawawala ang lagnat kapag umiinom ako ng gamot pang lagnat. subalit nag-alala ako na baka meron na akong ibang klase ng karamdaman dahil higit na sa 5 araw na pabalik-balik ang lagnat ko. Pang- anim na araw, hindi ako uminom ng gamot upang makatulong sa doktor sa emergency room ng Chinese general hospital. Doon ay tiningnan ako ng ilang mga doktor at nurse. Kinunan ako ng dugo ng med tech nila at naghintay ng matagal sa mga resulta. Pinauwi nila ako at binigyan ng gamot at pinauulit nila ang blood count sa ibang laboratory upang mabantayan daw kung dengue or hindi. Binigyan ako ng anti-biotics pero hindi ko ito nabili dahil sa sinabi naman ng doktor na hindi ito ang talagang gamot sa dengue.

Sa madaling salita, nagpunta ako sa laboratorio ng aking health card at doon ay ni-rule out ang dengue. Aking ipinakita sa dati kong family doktor (ng health card ko) ang resulta at hiningan ko siya ng tulong. Nabanggit ko sa kanya ang aking mga pagkakasakit at mga pangit na karanasan sa bagong 'designated hospital' at Coordinator. Binigyan niya ako ng ibang gamot na aking ininom pag-uwi ko noong hapong iyon.

Subalit nakaramdam ako ng pangangati sa aking katawan bago pa man lang makainom ng gamot na iyon. Naisip ko na huwag nang inumin noong kinaumagahan lahat ng mga ibinigay na gamot sa akin pati na yung para sa Uric acid at Cholesterol ko. Uminom ako ng anti-histamine dahil namaga ang labi ko at nagkaroon ako ng mga singaw sa aking bibig at dila. Namaga ang buong mukha ko at may pula-pulang pantal sa aking leeg. Noong bandang hapon naglagay ako ng dust mask at nagtungo ako ulit sa family doctor at humingi ako ng tulong na matukoy kung ano talaga ang nangyayari sa akin. Nagpapasalamat ako, una sa lahat sa panginoon, at sa kanya dahil napagtanto niya nabanggit ko sa kanya na umiinom ako ng gamot sa uric acid na ang ngalan ay Allopurinol. Malawak ang kanyang kaalaman sa larangan ng mga gamot. Mabuti na lang at gayon. Kaagad niya ako binigyan ng health card request para sa isang Dermatologist na makakagamot ng aking allergy na SJS (Stevens-Johnson Syndrome). Mabuti naman at hindi ako nagbalik sa doktor na nagbigay sa akin ng gamot nakaka-allergy pala sa mangilan ngilan na tulad ko. ~buntong hininga~

Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa sakit na ito maari mong tingnan ang mga pedeng kahinatnan ko sana kung hindi ito naagapan kaagad. http://www.studytemple.com/forum/dermatology/48124-stevens-johnson-syndrome-potentially-deadly-skin-disease.html.

Nais kong pasalamatan sa pamamagitan ng blog na ito ang aking idolong doktor na si Dr. Dyseng ng Medical City Hospital. Isa siyang doktor na may puso para sa mga mahihirap na tulad ko. Utang ko sa kanya ang aking kalusugan at lagi ko siyang isasama sa aking panalangin.

Nais ko ring pasalamatan ang aking dermatologist na si Dr. Que of Chinese General Hospital na gumamot ng aking karamdaman. Sa mga mababait na nurse na na-assign sa aking kwarto noong na-confine ako doon noong Marso 2010. Nawa'y pagpalaain kayo ng Poong maykapal.



No comments:

Post a Comment