Monday, December 28, 2009

Renewal ng Passport

Nagkatuwaan kami ng kumare ko na magpa-renew ng passport. Napag-usapan naming magkita ngayong araw na ito dito sa aming bahay, ngunit nalimutan kong ipaalala na dapat maaga kaming umalis ng bahay, dahil palaging maraming tao sa Department of Foreign Affairs at siguradong naaaapakahabaaaa ng pila.

Alas onse ng umaga na siyang dumating kung kaya kumain muna kami ng tanghalian bago kami lumarga. Ayon sa kanya, mabilis lang daw ang proseso dahil 2 kaibigan na niya ang sinamahan niyang nag-renew ng mga passports nila nito lang mga nakaraang mga buwan.

Gayon pa man, minabuti ko na ring mag-saliksik sa website ng DFA - http://dfa.gov.ph/?page_id=64 para sa karagdagang kaalam. Dito natin mababasa ang mga kinakailangang mga dokumento , ang pag-imprinta ng application form at iba pang mga kasagutan sa ating mga tanong, tulad ng lokasyon ng kanilang opisina.

Akin ding inalam kung paano mararating ang DFA. Ang kagandahan ng internet ay marami tayong mga kababayan ang nag-susulat ng kanilang karanasan at nagbibigay ng mga inpormasyon tungkol dito. Layunin nila ang makatulong, na aking hinahangan at laking pasasalamat sa kanilang pagbabahagi ng kanilang mga karanasan. Nawa'y pagpalain sila ng Poong Maykapal. Dahil sa mga nabasa kong Blog, naging mas madali ang aming pagpunta kanina sa DFA. Subalit dahil nga hapon na kaming lumarga, ay sobrang haaaaabaaaa na ng pila. Nabigyan na lamang kami ng iskedyul para bukas ng hapon ng alas 2 ng hapon - 3 ng hapon.

Akin ding sinaliksik sa google ang iba't-ibang paraan ng pagsakay ng bus o jeepney. Mula dito sa amin ay 3 sakay ang aabutin namin. Dahil dalawa naman kami kaya napagkaisahan naming sumakay na lamang ng taxi. Parang sulit na rin kahit may onting diperensya sa pasahe. Hindi naman kami palipat-lipat ng sakay, na mejo delikado na para sa aming may mga edad na. he he he. Mula dito sa San Juan City hanggang doon sa DFA ay 115.00 lamang. Parang 57.50 ang bayad namin bawat isa. Malaking pasalamat ko sa Diyos sapagkat ang nasakyan naming taxi paroo't parito ay hindi mga gahamang drayber.

Bukas, babalik kami ng aking kumare at aagahan namin ang pagpunta para mauna na kami sa pila ng mga nabigyan ng katulad ng aming appointment iskedyul. Harinawa'y matapos namin ang proseso sa loob lamang ng 2 araw. :-)

Thursday, December 10, 2009

Immortal text ng Globe

Natuwa akong masyado sa promong ito ng Globe. Sa halagang sampung piso lamang ay meron na akong 50 libreng text na Globe to Globe/TM at 10 libreng text para sa ibang network. At... walang expiration date (ibig sabihihin hindi na ako nagmamadaling magamit ang mga ito sa loob lamang ng 24 oras upang hindi masayang). Basta lang laging merong akong load na piso lamang. Lagi naman akong bumibili ng load kaya malabong maging piso lamang ang balance ko. O, di ba ang galing?

Ita-type ko lamang ang message na IMMORTAL10 at ipapadala ko sa 8888. Hihintayin ko lamang ang kanilang "go-signal" eh pwede ko nang magamit ang nasabing promo. Ang maganda pa nito ay pwede ring magpadala ulit ng parehong message at maiipon ang libreng texts para sa Globe/TM at sa ibang network. Halimbawa: kung tatlong beses akong magpadala ng IMMORTAL10 sa 8888 (halagang 30.00 ang mababawas sa aking load), ang libreng Globe-Globe/TM texts ay 150 lahat at ang para sa ibang network ay magiging 30 texts. Karamihan naman sa aking mga textmates ay Globe subscribers ngunit meron din akong onting kaanak/kaibigang hindi Globe. Kaya swak na swak ang promong ito sa akin.

Kaya, mag-IMMORTAL10 na rin kayo. :-)

Saturday, November 28, 2009

Maguindanao Masaker

Karumaldumal at napakagarapal... yan lang masasabi ko. ~buntong hininga~

Mabuhay ka, Efren Penaflorida!

Yey... muli na naman nakilala ang ating bansa sa katauhan ni Efren Penaflorida na nahirang na CNN '2009 Hero of the Year'. Mabuhay ka, Efren. Mabuhay ang Pilipinas!




Wednesday, November 18, 2009

Mabuhay ka, Manny Pacquiao!

Mabuhay ka, Manny. Kahanga-hanga ang iyong kakayahan sa larangan ng boksing. Muli mo na naman naitaas ang ating bandila sa buong mundo sa iyong pagkapanalo kay Cotto. :-)

Ma'am Dionisia, congratulations din sa inyo. Kayo ang tunay na Pac Mom.

Wednesday, November 4, 2009

O Ondoy, O Gloria

Kada umuulan hindi maiwasan ang maging malungkot, maging takot, maging tulala. O Ondoy, labis ang hinagpis at lungkot na iyong idinulot. Samut-sari ang mga kwentong iyong iniwan. Mangilan-ngilan lamang ang nakaalpas sa iyong masungit na pagbaha. Marahil, matatagalan pa bago namin maiaalis sa aming isipan ang mga mapapait na alaala ng iyong pagdaan dito sa mahal naming bansang Pilipinas.

Ang mga bagyo ay karaniwang dumadaan at lumilisan taun-taon sa Pilipinas. Ang pagbaha sa mga lansangan ay karaniwan na, subalit ang bahang dinulot mo, O Ondoy, ay pambihirang totoo. Ang tubig ng iyong ulan ay nakaayat ng bahay na nagtaboy sa mga tao na umakyat ng bubong para makaligtas ng buhay. Hindi maikakaila ang hirap ng kanilang dinanas tiis ang pagkabasa, pagkatakot, ang gutom, ang ginaw, habang naghihintay ng pagsagip sa kanila ng ating gobyerno na mismong namangha din sa dinulot mong kapansanan.

Maliwanag na hindi handa ang pamahalaang Gloria Arroyo sa ganitong mga delubyo. O Gloria, nawa'y pakilusin mo ang iyong mga galamay upang di na maulit pa ang ganitong mga sakuna. Kung kinakailangang ipadala sila sa mga mas maunlad na bansa upang matutunan ang mga pamamaraan na makabago para mabigyan ng solusyon sa matinding pagbaha, sana gawin niyo po. Wag naman sanang ibuhos niyo ang inyong pansin sa nalalapit na eleksyon. Sana magtalaga kayo ng mga taong may kaalaman sa siyensya at may malasakit sa kapakanan ng ating mga yamang natural. Iyong mga taong tututok sa mga ganitong mga pangyayari.

O Ondoy, O Gloria, ano ba ang dapat gawin upang mapanatag ang aming mga isipan tuwing umuulan?

Thursday, August 6, 2009

Tungkol pa rin sa SSS online inquiry

Payo ng anak kong nasa US, gamitin lagi ang Mozilla Firefox browser imbes na Internet Explorer. Ayaw kong maniwala dahil nakasanayan ko na ang Internet Explorer. Kung kaya't habang nag-uusap kami sa Skype, hinimok ko siyang i-browse ang http://www.sss.gov.ph/ gamit ang Firefox, ako naman gamit ko ang Internet Explorer.

Na-access niya ang kanyang account. Ako, hindi. Ganoon pala un. He he he. Buong akala ko pa naman ay ang SSS website ang may diperensiya. Ako pala ang may kakulangan sa kaalaman sa paggamit ng internet. ~LOL~

Sa sobrang tuwa, ginamit ko rin ang Mozilla Firefox. Ngunit sa kasamaang palad, nagkamali ako ng pag-type ng Password ko, kaya ito ang nangyari:

Welcome to Member Login!
Your Account has been
blocked. Please contact the
SSS Hotline at 9206401 local 6201.
Bukas tatawagan ko ang numerong nakatala. Para sa akin hudyat ito na gumagana ang online inquiry nila. Yey, malapit ko na ring mabuksan ang aking account. :-)

Saturday, August 1, 2009

Paalam President Cory Aquino

Nagluluksa ang buong sambayanang Pilipinas sa pagpanaw ang ating dating presidente, Corazon Aquino. Nagising ako sa balitang pumanaw na nga ang dating pangulong Cory kaninang alas 3:18 ng umaga dahilan sa kanyang karamdaman. Nag-alay ako ng maikling panalangin para sa kanya at nanood ng tv upang marinig ang mga pag-gunita sa kanyang naidulot sa kasaysayan ng Pilipinas. Si Gng. Cory ang nagbalik ng demokrasya dito sa ating bansa. Naging huwarang ina siya ng bansang Pilipinas. Mananatili siya sa puso ng mga Pilipino.

Madam Cory, lubha akong nalulungkot sa iyong pagpanaw. Sa pamamagitan ng aking blog, nais kong iparating sa iyong mga naiwanang kaanak ang aking matinding pakikiramay at pasasalamat. Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa, Amen.

Friday, July 31, 2009

Pahinga Muna sa SSS Online Inquiry

Hayyyy... Mabuti pa kaya mag relax muna... Kahit paano ay malimutan ko muna ang aking problema sa SSS na yan. Mabuti pa busisiin ko muna itong bagong cell phone na nabili ko 2 linggo na ang nakararan. Puro texting at calls pa lamang ang aking nasubukan. So far so good naman.


Sinusubukan ko ngayon na mag-transfer ng pictures mula sa cellphone papuntang PC. Yey, gumana naman. In fairness, maganda naman ang resolution ng mga kuha sa camera niya. Mapapadalhan ko na ang anak kong nasa USA. Love ko ang internet. LOL


Gawa ng LG ang bago kong cellphone. Hawig nito ang iphone ng Apple. KP-500 ang model nito. iPhone sana ang gusto ko ngunit hindi kaya ng bulsa. ~LOL~ Bukod doon, naisip ko na swak na din sa pangangailangan ko itong LG. Nang makita ko siya sa Robinsons Appliance, very friendly ung promo girl ng LG at ung salesman doon sa showroom ng cell phones. Na-in love ako agad sa mga features ng phone. Matiyaga silang 2 sa pag-demo ng phone at mahaba ang pasensiya nila sa kakulitan ko. Siyempre naman, kailangan kong masulit ang halaga ng perang gagastusin ko para sa isang cellphone. P10k+ din un no? ~LOL~ So, Black ang napili kong kulay. Hindi na ako nag-dalawang isip kasi 0% interest for 6 months naman. May one year warranty pa siya. Ayaw ko ng bumili ng cellphone sa Greenhills. Parang sugal ang pagbili ng cellphones doon. Sa tulad kong isang hamak na housewife, di ko alam kung brand new or second hand ang ibibigay nila sa akin. At saka, ang warranty nila ay good for one month lamang. Isa pa nga pala ay Cash basis doon. he he he.

Ngayon ko lang natagpuan itong commercial ng nabili kong cellphone. Kaaliw naman. Panoorin niyo din, nakapag-aalis ng bagot sa buhay http://www.youtube.com/watch?v=Gj8khAlg7Iw.

Oo nga pala, nais ko sanang pasalamatan ang aking friend na si Malu de Vera. Siya ang nagsabing maganda ang model na ito ng LG. Uulitin ko na naman dito, Maraming maraming salamat, Malu. ~wink~

Problema sa SSS login

Sinubukan kong gamitin ang "forgot password" ng SSS login page. Eto ang email reply nila sa akin.

"On Wed, Jul 29, 2009 at 4:24 PM, wrote:
Dear xxxxxx,

You may now log-in to the SSS Website Member tab using the information below:

User ID: xxxxxxxx
Retrieved Password: xxxxxxxx

Should you encounter any problems accessing your account, please call the SSS Hotline at (632) 920-6446 to 55 for assistance.Thank you for using the SSS Website.This is a system-generated e-mail. Please do not reply."

Subalit hindi rin ako makapasok sa aking account. Kung kaya'y sinubukan kong tawagan ang mga teleponong nakatala sa kanilang email. Sa paulit-ulit na pagtawag ko sa lahat ng mga numerong ito, palaging busy tone lamang ang aking narinig.

Ikaw? Nasubukan mo na bang tumawag sa mga numerong ito? May nakausap ka ba? May naitulong ba siya sa problema mo? Kung meron o wala, i-bahagi mo naman sa akin ang iyong karanasan, pede? Hayyyyy...

Friday, July 3, 2009

Ang Philippine SSS Online Inquiry...hindi gumagana

Ano bang nangyari sa http://www.sss.gov.ph/? Iba naman ang lumalabas na website. Na-try nio na ba, mga kababayan? Hmmm, sinubukan ko naman eto: http://www.sss.gov.ph/sss/index.html. Laking tuwa ko dahil ito nga yung SSS official website . Hinanap ko ang "User Login". Aha, nandon pala nakatago sa "My.SSS".

Medyo matagal tagal ko na rin kasing hindi nabisita ang aking mga contributions at ngayon ay nais ko muling makita kung nakapasok na ang iba ko pang mga naihulog. Natuwa na naman ako nang tumambad sa aking mga mata ito https://www.sss.gov.ph/sss/login.jsp. Ito rin kasi yung dating ginagamit ko tuwing magbubukas ako ng aking account. Ngunit, nakalulungkot naman dahil hindi naman ito gumagana. ~buntong hininga~

Hindi naman siguro magtatagal ay mabibigyan pansin din ng mga opisyal ng SSS ang problemang ito, at harinawa'y matuklasan nila ang solusyon upang maibsan naman ang mga hinaing ng mga miyembro lalung-lalo na ng ating mga kababayan na nasa ibang bansa. Kayo, anong masasabi niyo tungkol sa SSS online inquiry? Pwede kayo magsaad ng inyong opinion. Iwasan lang ang magmura. he he he.